“Para Po!”
Liham para sa mga patuloy bumibiyahe sa kabila ng pagod, kakulangan, at sistemang hindi lagi kumakalinga
Get 𝐿𝑒𝒶༄’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Isa ako sa mga taong lumaking sumasakay sa jeep. Sa tuwing lumalabas kami ni mama, jeep ang laging pinapara. Subalit sa panahon ngayon, bilang na lamang ang jeep na nadadaanan. Mga sasakyang de-aircon na ang madalas dumaan sa kalsada.
Kung hindi pa ako late sa aking pupuntahan, lagi kong inaabangan ang jeep. Dito ako nasanay, dito ako komportableng sumakay. Nakakalungkot isipin na minsan nilang naisipang alisin ang mga jeep—isang bahagi ng ating kasaysayan ngunit tinawag na problema sa ating pamayanan, unti-unting nababaon sa likod ng makabagong lipunan.
Sa panahon ngayon, halos 'di ko na mabigkas ang, "Para po!". Hindi dahil puno na, kundi dahil kaunti na lamang ang jeep na bumabyahe sa bayan.
Nakakalungkot isipin na ang mga unang bumuhay sa kalsada ay unti-unti nang nawawalan ng tinig. Nakakabinging katahimikan ang sumasalubong sa akin tuwing ako’y nakaupo. Katahimikang tila nangungulila sa nakaraan. Sila ay tinawag na hari ng daan, ngunit nasaan ang dangal sa panahon ng kahirapan?
Masakit isipin kung paanong napapabayaan sila ng sistemang dapat sana’y kumakalinga sa kanila.
Ngayong tumaas ang presyo ng langis, lalong naghihirap ang mga drayber na nagtratrabaho ng marangal ngunit minamaliit ng karamihan. Nakakalungkot para sa aming mga komyuter—sapagkat ang laban ng drayber ay laban din ng mga komyuter.
Mula sa pagbigkas ko ng “para po!” sa tuwing ako’y bababa, ito ay unti-unting naging “para po sa inyo."
Sa bawat hudyat ng paghinto sa aming destinasyon, nawa’y ang simpleng ‘para po’ namin ay maging simula ng inyong pagbangon.





