Hardinero
Tula sa Tagalog
Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan, Ay naroon ka, hawak ang timba at tabo sa hardin ng kawalan. Pinagmamasdan mo ang sarili mong anino sa putik, Pilit na binubuhay ang mga dahong matagal nang nanunuyot sa siksik. Nagbubuhos ka ng tubig sa mga ugat na lunod na sa baha, Umaasa na sa bawat patak ay may himalang magpapakita.
Kinakausap mo ang mga sangang wala nang balak mamulaklak, Pilit na ipinapaliwanag ang ganda ng sikat ng araw sa gitna ng hamak. Nilalagyan mo ng pataba ang lupang tinangay na ng agos, Inaayos ang mga bakod na sa isang ihip lang ay matatapos. Sinasabi mo sa sarili mo, “Kaunting tiyaga pa, sisibol din ito,” Kahit ang tanging tumutubo ay ang pagod sa loob ng dibdib mo.
Pinipilit mong awitan ang mga talulot na tikom at sarado, Kahit na ang bawat nota mo ay nilalamon ng hangin at seryo. Sinasabi mong “nauuhaw lang sila,” Kahit ang totoo ay ayaw na nilang tanggapin ang iyong kalinga. Nagbubukas ka ng payong para sa isang halamang ayaw sumilong, Nag-aaksaya ng oras sa isang buhay na ayaw nang magpatuloy sa pagsulong.
Get Pluma 🦖’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Hibang na pagtalima ba ang tawag sa iyong pagpupuyat, Ang pag-aalaga sa isang bagay na sa simula pa lang ay salat? Ang pagkatok sa kahoy na wala nang buhay at katas, At ang pag-asa sa isang bukas na wala namang landas?
Pahibang na pagsamba ba ito sa iyong sariling kakayahan, Na baguhin ang itinakda na ng ulan at ng kapaligiran? O ito ay ang aking bulag na pananalig na ako’y iyong diringgin — Na ang bawat kong salita ay may puwang pa sa iyong damdamin?
Sapagkat ang pagdidilig sa gitna ng baha ay isang hangal na gawa, Isang sining ng pag-aaksaya, isang laro ng awa. Ngunit unawain mo ang lihim ng aking pagpapagal sa ilalim ng unos: Hindi ako nagdidilig dahil naniniwala akong mabubuhay pa ang halaman, Kundi dahil hindi ko matanggap na sa bawat salitang binitawan ko, ay wala ka nang pakialam.
Ang halaman ay ang iyong isip na sadyang pinid at sarado, At ang baha ay ang aking mga salitang lunod na sa iyong pagmamatigas at gulo.
Once more, I am PLUMA, from the room where no names are shown (TheBooksOfUnknown); reminding you to stay keen, for every soul has a story unknown — and this is my own.
More poems on Substack









