Ang Huling Ilaw
Sa isang mahiwagang kagubatan na tinatawag na Luntian, may isang kakaibang oras na hinihintay ng lahat. Kapag natutulog na ang araw at unti-unti nang dumidilim ang kalangitan, nagigising naman ang libu-libong alitaptap.
Isa-isang kumikislap ang kanilang maliliit na katawan. Sa pagitan ng matatandang puno, gumagalaw ang mga munting ilaw na para bang mga bituing bumaba mula sa langit.
Kabilang sa mga ito si Ali.
Maliit siya. Tahimik.
At higit sa lahat, siya ang may pinakamahinang ilaw sa kanilang kolonya.
Habang ang ibang alitaptap ay kayang magliwanag nang buong ningning, kay Ali ay isang munting kislap lamang ang kaniyang naibibigay. Kaya madalas siyang nagtatago.
Ayaw niyang mapansin.
Ayaw niyang marinig ang pagtawa ng iba.
Para kay Ali, mas mabuting manatili sa dilim kaysa makita ng lahat kung gaano kaliit ang kaniyang liwanag.
Isang gabi, habang nag-iisa siya sa ilalim ng isang malapad na dahon, may narinig siyang kaluskos. May kumaluskos at napatingin siya. Kinabahan si Ali, ngunit sa halip na lumipad palayo, dahan-dahan siyang lumapit.
Isang alitaptap ang nakita niyang nakahandusay sa dahon. Si Luning. Nahulog pala ito mula sa dahong kaniyang hinihigaan. Tinulungan ni Ali si Luning hanggang sa ito ay magising. “Salamat,” sabi ni Luning. “Akala ko wala nang makakakita sa akin.”Bahagyang ngumiti si Ali.
Bilang pasasalamat, inimbitahan siya ni Luning sa pinakainaabangang pagdiriwang ng kanilang kolonya — ang Sayaw ng Liwanag.
Nang gabing iyon, nagtipon ang lahat. Kumikislap ang bawat alitaptap sa kani-kanilang paraan.
May mabilis, may mabagal, may paikot-ikot, at may tila sumasabay sa himig ng hangin.
Napangiti si Ali.
Ngunit nang magsimula ang sayaw, unti-unti siyang umatras. Sa dami ng nagliliwanag, halos hindi na niya makita ang sarili niyang kislap. Kaya nanatili siya sa gilid. Hanggang sa —
ROOOAAARRR!
Napatigil ang buong kolonya.
Isang malakas na pag-ungal ang umalingawngaw sa kagubatan. Sa pagitan ng mga puno, may nakita si Ali.
Isang dambuhalang nilalang na gawa sa bakal.
Napakalaki nito.
Napakaingay.
At sa harapan nito ay may mga ngiping bakal na tila kayang nguyain ang buong kagubatan.
Nanginginig si Ali.
“Halimaw…”
Mabilis siyang lumipad kay Luning.
“Luning! May Halimaw na Bakal!”
Ngunit nang tingnan ni Luning ang direksiyong kaniyang itinuturo, wala na roon ang nilalang.
“Ali, baka nagkamali ka lang.”
Kinabukasan, sinabi rin niya ito sa kaniyang Ina. Ngunit hindi rin ito naniwala.
Kaya nang muling marinig ni Ali ang pag-ungal ng Halimaw ilang gabi ang lumipas, wala siyang pinagsabihan.Sa pagkakataong ito, hindi na ito naglaho, yumanig ang lupa.
Nagsitakbuhan ang mga alitaptap, nagsipaglaglagan ang mga dahon.
At isa-isang bumagsak ang matatandang puno.
“Umatake na ang Halimaw!”
Sa unang pagkakataon, hindi nagtago si Ali.
Lumipad siya patungo sa nilalang. Mas malapit..
Ngunit habang papalapit siya, lalo niyang nakikita kung gaano ito kalaki, natakot siya.
Gusto niyang tumakas.
Pero naisip niya ang kaniyang Ina.
Si Luning.
Ang kanilang tahanan.
Kaya nagpatuloy siya, hanggang sa muling umungal ang Halimaw, napaatras si Ali.
Hindi niya kayang pigilan ito.
Sa kaniyang harapan, bumagsak ang puno kung saan siya unang natutong lumipad.
Kasunod nito ang iba pang punong nagsilbing tahanan ng kanilang kolonya. Nang matapos ang pagyanig, tahimik ang Luntian. Wala na ang dating kagubatan, wala na ang kanilang mga tahanan.
Wala na ang lugar na tinatawag nilang tahanan. Ilang araw silang naglakbay hanggang sa makahanap ng bagong matitirhan. Ngunit hindi ito katulad ng Luntian.
Tuyo ang mga dahon.
Mapait ang hangin.
At wala ang dating awit ng kagubatan.
Habang nagpapahinga ang lahat, hindi mapakali si Ali. Hindi niya matanggap na ganoon na lamang nawala ang kanilang tahanan.
Kaya isang gabi, nagpasya siyang maglakbay. Lumipad siya nang lumipad hanggang sa makarating sa isang lugar na hindi niya pa kailanman nakikita.
Ang siyudad, maliwanag, maingay, at napakaraming ilaw. Sa gilid ng isang kalsada, nakita niya ang isang batang lalaki.
Si Kiko.
“Wow!” sigaw nito nang makita si Ali. “Ang angas mo naman!”
“Salamat,” sagot ni Ali.
Napatalon si Kiko.
“TEKA! NAGSASALITA KA?!”
Sa unang pagkakataon matapos mawala ang Luntian, napatawa si Ali. Ngunit agad ding nawala ang kaniyang ngiti.
“Kaibigan,” sabi niya, “tulungan mo kami.”
Natahimik si Kiko.
“Wala na ang aming tahanan. Sinira ito ng mga Halimaw na Bakal.”
Napakunot ang noo ni Kiko.
“Halimaw na Bakal?”
Tumango si Ali.
“Malalaki sila. Maingay. At may ngiping bakal.”
Matagal na nag-isip si Kiko.
“Ali…”
“Bakit?”
Get Robert King’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
“Baka alam ko kung ano ang nakita mo.”
Dinala ni Kiko si Ali sa isang lugar sa labas ng siyudad. Doon, nakakita si Ali ng tanawin na pamilyar na pamilyar. Mga punong nakahandusay, mga bundok na halos wala nang buhok, at mga ilog na dating malinaw ngunit ngayon ay maputik.
At sa malayo —
ROOOAAARRR!
Muling narinig ni Ali ang tunog.
“Siya!” sigaw niya. “Halimaw na Bakal!”
Tumango si Kiko.
“Bulldozer ang tawag namin diyan.”
Hindi makapagsalita si Ali. Akala niya, ang Luntian lamang ang nawalan. Ngunit hindi pala. May mga hayop na wala nang masilungan.May mga ibong hindi na makita ang kanilang mga pugad. May mga hayop na naghahanap ng tubig. At may mga taong unti-unting nawawalan ng kabuhayan dahil sa pagkasira ng kanilang paligid.
“Hindi lang pala kami,” bulong ni Ali.
Umiling si Kiko.
“Hindi lang kayo.”
Sa kanilang pag-iikot, may napansin si Ali na isang bagay. Hindi kusang gumagalaw ang mga Halimaw. May mga taong nagpapatakbo sa kanila. At may mga taong nagbibigay ng utos. Sa isang mataas na gusali, nakita nila ang isang opisyal na nakikipag-usap sa mga taong may hawak ng mga dokumento.
“Siya ba ang nagpapatakbo sa mga Halimaw?” tanong ni Ali.
“Hindi,” sagot ni Kiko. “Pero may kapangyarihan siyang magpasya kung ano ang mangyayari sa lugar na ito.”
Para kay Ali, sapat na iyon.
“Kung gayon…” sabi niya, “siya ang Boss ng mga Halimaw na Bakal.”
Ngunit hindi sapat na malaman nila kung sino ang nasa likod nito.
Hindi kayang labanan ni Ali ang mga makinang ilang daang beses na mas malaki sa kaniya.
At hindi rin kayang mag-isa ni Kiko.
Kaya nag-isip sila.
Kung hindi nila kayang talunin ang Halimaw…
kailangan nilang iparinig ang kanilang boses.
Kinuhanan ni Kiko ng larawan ang mga nasirang kagubatan.
Ipinakita nila ang mga hayop na nawalan ng tahanan.
Ikinuwento nila ang mga pamilyang naapektuhan.
At higit sa lahat, ipinakita nila kung ano ang nangyayari kapag pinabayaan ang kagubatan na maubos.
Sa una, iilan lamang ang nakinig.
Pagkatapos, dumami.
May mga batang nagsimulang magtanong.
May mga pamilyang nagsimulang magsalita.
May mga komunidad na nagsimulang manindigan.
At habang dumarami ang mga tinig, lalong lumalakas ang kanilang panawagan.
Itigil ang illegal na pagputol ng mga puno.
Protektahan ang kagubatan.
Iligtas ang mga bundok.
Iligtas ang mga tahanan ng mga hayop.
Iligtas ang buhay.
Hindi man naging madali, dumating ang araw na hindi na kayang balewalain ang kanilang mga tinig.
Nagsimulang managot ang mga taong sangkot.
Huminto ang ilang operasyon.
At unti-unting nagsimulang magbalik ang buhay sa mga lugar na minsang nawasak.
Lumipas ang panahon.
Sa dating kalbong bahagi ng kabundukan, muling tumubo ang mga punla.
Bumalik ang mga ibon.
Muling dumaloy ang malinaw na tubig.
At sa Luntian, nagsimulang magtanim muli ang mga alitaptap.
Isang gabi, bumalik si Ali sa lugar kung saan dating nakatayo ang kaniyang tahanan.
Maliit pa ang mga bagong puno. Hindi pa kasing luntian ng dati. Ngunit may buhay.
Tumingala siya sa langit.
Sa paligid niya, isa-isang kumislap ang mga alitaptap.
Doon niya napagtanto —
Hindi pala kailangang maging pinakamaliwanag ang kaniyang ilaw upang mapansin.
Hindi kailangang maging pinakamalaki upang maging makapangyarihan.
At hindi kailangang maging marami upang magsimula.
Dahil minsan, sa gitna ng pinakamadilim na gabi, isang munting liwanag lamang ang kailangan upang makita ang daan.
At kapag nagsama-sama ang maraming munting liwanag, kayang-kaya nilang talunin ang dilim.
Ngumiti si Ali.
Muling kumislap ang kaniyang munting ilaw.
Tumingin siya sa paligid.
Nandoon si Luning. Nandoon si Kiko. At sa itaas ng mga bagong sibol na puno, libu-libong alitaptap ang sabay-sabay na nagliwanag.
Hindi na siya ang alitaptap na nagtatago sa ilalim ng mga dahon.
Hindi na siya ang alitaptap na nahihiyang ipakita ang kaniyang munting liwanag.
Si Ali ang naging unang nangahas na magsindi nito.
Hindi ito ang liwanag na natitira kapag tuluyan nang nawala ang lahat.
Ito ang liwanag na pinipiling manatili kahit unti-unti nang nilalamon ng dilim ang mundo.
Ang liwanag na nagsasabing may pag-asa pa.
Ang liwanag na nagsasabing may dapat pang ipaglaban.
At habang patuloy na kumikislap ang mga alitaptap sa muling nabubuhay na Luntian, nanatiling maliwanag ang munting ilaw ni Ali.
At marahil, iyon ang tunay na kahulugan ng huling liwanag.



