Sitemap

Dramahan na Naman

4 min readMar 20, 2026

--

Press enter or click to view image in full size
Latag ng mga tabloid sa bangketa sa may ilaya

Daig pa ng nagtatampong nobya ang mga Duterte, matapos wala ni-anino ng kanilang angkan, maliban kay Sara Duterte-Carpio, ang sumulpot sa mga pampublikong kaganapan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Davao, nitong Pebrero 7, 2024. Gusto pa yata magpasuyo ng mga Duterte sa kanilang balwarte upang ibalik ang tamis ng dating 'pagkakaisa’, na ngayon ay nagkakandawatak-watak na… At habang walang katapusang drama ang inaaatupag ng liderato, dehado na naman ang mga ordinaryong Pilipino.

Matatandaan unang sumiklab ang alitan sa ‘One Nation, One Opposition’ prayer rally nitong Enero 28 sa Davao, kung saan mariing tinutulan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong na Charter Change at direktang pinatutsadahan si Marcos. Sinabi ni Duterte na nakita niya ang pangalan ng kasalukuyang pangulo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) narcotics drug watch list noong kaniyang panunungkulan. Hinamon din ni Davao Mayor Sebastian “Baste” Duterte si Bongbong na mag-resign.

Nang sumunod na araw ay kaagad itinanggi ng PDEA ang akusasyon, habang bumwelta naman si Marcos na ngayon pa lamang umano tumatalab ang drogang fentanyl kay Duterte. Dahil sa mga nangyari, litong-lito na tuloy ang kanilang mga loyalista sino ang papanigan sa dalawang nagbabangayang dinastiya.

Hindi na nakagugulat ang pagwawaring oposisyon si Duterte gayong mas nagiging malinaw ang posibilidad ng pagpasok ng kinatatakutan niyang International Criminal Court sa Pilipinas. Habang urong-sulong pa rin si Marcos sa usapin ng panghihimasok ng ICC sa mga extrajudicial killings ng madugong war on drugs ni Duterte, tumataas naman ang pagpanig ng mga Pilipino dito. Ayon sa isinagawang sarbey ng Social Weather Station (SWS) Disyembre nakaraang taon, 57% ang sumasang-ayon na dapat pahintulutan ng gobyerno ang pag-iimbetiga ng ICC, mas mataas ng siyam na bahagdan kumpara sa 48% noong unang quarter ng 2023. Dahil dito, desperado na ang duwag na si Duterte na batikusin ang kaniya noong kaalyado gamit-gamit pa ang Cha-cha bilang kaniyang taktika sa pagpapapansin.

Binalaan din ni Duterte si Bongbong sa posibilidad na magaya ito sa kaniyang diktador na tatay na pinatalsik noong 1986, kung itutuloy ang pag-amyenda sa konstitusyon. Katawa-tawa na nagsasalungat ang kaniyang pananaw ngayon, gayong siya ang naunang nagtulak sa sistemang Pederalismo noong kaniyang pagkapangulo. Kabilang sa kaniyang agenda noon ang constitutional amendments na magpapaluwag sa economic restrictions at pagpapalawig ng termino ng mga opisyales ng pamahalaan; parehong mga probisyon na nakapailalim sa itinutulak na Cha-cha ngayon. Totoo namang hindi makamasa ang hangarin ng mga pulitiko sa Cha-cha, ngunit hindi dapat ito gamitin ni Duterte sa pagbabalat-kayo para makuha ang simpatiya ng tao.

Press enter or click to view image in full size
Rebolusyon sa EDSA ang sanhi ng pagkakabuo ng Konstitusyon. 40 taon ang nakalipas, marami nang kumalimot sa ipinangakong reporma at mas marami pang gustong butasan ang nasabing batas.

Gayundin, malinaw na pansariling interes lamang ang dahilan sa likod ng Uniteam ng Marcos at Duterte noong nagdaang Halalan na napakambudol ng milyon-milyong Pilipino. Ngunit hindi na nakadududa ang panggagalaiti sa galit ni Duterte kay Marcos, dahil bago pa man ang pagkakabuo ng alyansa ay anak niya talaga dapat ang hahalili sa kaniya kapalit bilang pangulo. Maaalala na binansagan ni Duterte si Marcos bilang “weak leader” at “spoiled brat” noong kasagsagan ng pangangampanya. Sa mga naunang sarbey din ng Pulse Asia ay madalas nangunguna si Sara sa napupusuan ng mga tao sa pagkapangulo at pumapangalawa lamang si Bongbong. Gayong limitado lamang ang sakop ng kaniyang anak na si Sara, hindi siya ngayon malayang makapaghasik ng kaniyang katiwalian.

Get camille’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

Sa kabilang banda, malaking dagok ang hidwaang politikal na ito sa mamamayang Pilipino na hindi na magkanda-ugaga sa mga isyung dapat iprayoridad ng pamahalaan. Habang pinapairal ng mga Duterte ang kanilang pagka-arogante ay pinagkakaitan nila ang mga Davaoeños ng serbisyo publiko. Hindi biro ang kamakailang pagguho ng lupa sa Masara, Davao de Oro, na kumitil ng 28 katao habang mahigit 70 pa ang nawawala. Masuwerte nga sila at dumayo pa mismo ang Pangulo upang sumangguni, ngunit sa halip na makipag-ugnayan si Mayor Baste Duterte ay sinasayang niya lamang ang oportunidad sa malawakang pagtulong ng gobyerno sa mga apektado. Itong hindi pagpaparamdam ng mga Duterte sa pulong ni Marcos ay nagpapakita lamang na mas prayoridad nila ang kaniyang pansariling kapalaluan kaysa sa kapakanan ng kanilang nasasakupan.

Kasuklam-suklam na ang ganitong mga away ang dahilan bakit hindi umaasenso ang Pilipinas. Hindi na dapat palalain ang hidwaan sa dalawang panig, lalo nakababahala ang posibilidad ng pagkakaroon ng political instability dahil dito. Dapat na seryosohin ni Marcos ang mga banta ni Duterte, partikular na ang balak nitong Mindanao Secession. Papasukin na ang ICC nang manahimik na ang pasmadong bibig ni Duterte at mabigyang hustisya ang kaniyang nabiktima sa berdugong giyera kontra ilegal na droga.

Malayo pa ang 2025 Midterms Election, ngunit nasa kampanya na ng pagdadrama si Duterte. Pinapaikot lamang niya sa larong Over Acting ang mga Pilipino at hindi na dapat pang patulan ni Marcos ang pagka-OA nito. Kung magpapatuloy ang bangayan ng mga trapo, tiyak na magigitgit lamang ang ordinaryong mamamayan sa mga isyung dapat ay minamatahan ng pamahalaan. Mainam pang atupagin ng mga pulitikong ito ang serbisyo publiko kaysa pampamilyang alitan at negosyo. Huwag magpa-uto sa kanilang pagpapanggap. Tama na ang tampuhan at dramahan sa pulitika. Pilipino naman muna ang iprayoridad.

#

1st Place, Pagsulat ng Editoryal

LAYAG 2024 — Arellano University

February 11, 2024

--

--