Sitemap

ako

3 min readApr 22, 2026

--

Press enter or click to view image in full size
https://pin.it/2to2WnOhX

“Hindi naman ako papasok sa UP.”

“Ayoko naman mag-UP.”

“Wala yung course na gusto ko sa UP. Pass ako diyan.”

Hindi ko naman talaga pinangarap na makaapak sa apat na sulok ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi ko kailanman inisip na sa piling mo, tutuparin ko ang inaasam ko.

Araw-araw at gabi-gabi kong itinatanggi na nais kong malanghap ang simoy ng hangin sa lupain mo.

Ewan ko ba.

Hindi naman kami mayaman. Hindi rin naman ako katalinuhan. Pero ni minsan, hindi ko ninais na ihirang na Iskolar ng Bayan — Iska.

Ewan ko ba.

Kung bakit hindi kumikinang ang mga mata ko para sa’yo. Kung bakit hindi kaya ng puso kong itali ang sarili niya sa piling mo.

Hindi ko naman maikakaila na ang mahubog ng mga kamay mo ay isang karangalan — isang napakalaking tagumpay. Tagumpay na kailanman ay hindi ko na yata mahahawakan sa aking mga kamay.

Ewan ko ba.

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit gustong-gusto nilang makapasok sa UP — Diliman, Los Baños, Visayas, Baguio, Mindanao — at kung saan mang parte ng Pilipinas may campus ang UP.

Ewan ko ba.

Bakit ba hindi sila natatakot na ipagsigawan sa mundo na gusto nilang maging iskolar?

Bakit kahit minsan hindi sila natakot na sumubok? Hindi man lang ba nila tinanggihan kahit saglit ang ideya na maging Iskolar ng Bayan?

Bakit kahit isang alinlangan, walang gumuhit sa kanilang mukha?

Get adi⋆.˚’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

Kasi ako?

Sobrang daming beses kong pinagdudahan ang desisyon ko. Tama ba na itong degree program ang pipiliin ko? Tama ba na dito sa campus na ‘to ako pumasok?

Tama ba na ipawalang-bahala ko na lang ‘to kahit hindi ko naman kayang makapag-aral sa Ateneo, La Salle, o UST?

Hindi ko alam.

At kailanman hindi ko siguro malalaman… kung ano nga ba ang sagot sa aking mga katanungan. Kasi hindi naman ako matalino, hindi rin ako masipag mag-aral, hindi ko rin siguro kakayanin na makipagsabayan sa mga taong naroroon.

Hindi ko alam.

Basta ang gusto ko lang ay lumipad. Sumabay sa agos ng buhay. Pagmasdan ang mga bahay mula sa… himpapawid. Mapalapit sa mga eroplano. Maging kaisa ng kalawakan.

Hindi ko na alam.

Wala na ata akong nalaman sa tanang buhay ko. Nakakatawa, hindi ba? Na para sa babaeng gaya ko, na puno ng pangarap, ako pa talaga ang nawalan ng kaalaman sa buhay.

Nakakatakot.

Mahuli sa linya? Hindi.

Malamangan? Siguro.

Mawalan ng gana para sa mga pangarap kong iniingatan? Sobra.

Sobrang natatakot akong mawala ang kinang, ang pagpapahalaga, ang pagmamahal para sa pangarap na mayroon ako. Pero mas nakakatakot na mabigo ang mga taong naniniwala sa kakayahan ko.

Grabe ka pala, UP.

Ngayon alam ko na kung bakit ayaw kong lakaran ang mga konkretong daan mo, kung bakit hindi ko pinangarap masilayan si Oble, kasi hindi ko pala kaya… at hindi ko kakayanin na may mabigo ako.

Hindi ko nanaisin na mahuli ako.

Hindi kailanman naging ikaw ang problema, UP. Ako ‘yun. Kasi alam kong kahit anong gawin ko, pangarap lang kita.

Isang “Thank You” sa kulay na pula, para sa kabiguang habang-buhay kong dala-dala. Salamat, UP, para sa pagkakataong ibinigay mo sa batang ako na mangarap muli.

--

--