Pabalik
— — — — — — — — — — — — — — — — — — — — -
Get Faci’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Naging tahanan ka ng mundo kong magulo,
at naging droga ang mga ngiti mo
na sa pagkakataong ito ay baka hindi na maagapan,
at maaaring ito’y kaadikan
pero,
sasabihin ko sa iyo,
na sa umpisa ay alam kong iba ka na,
na sa umpisa’y alam kong
maglalakad tayo at magbabahagian
ng mga bagay na hindi natin gustong ipaalam
at mga bagay na gusto nating ipaalam pero
walang pagkakataon para pakinggan.
Hayaan mo sana ako na sabihin
ang isa sa dinadala ko
nang makita mo ako’t inayang maglakad,
nang makita mo kung paano ako sa iyo’y
lumayo nang makakita ng upuang para sa tatlo
at kung paanong nasilawan ako ng ngiti mo
na inakala ko’y araw.
May isa akong bagay na laging nakahihigit
sa kung sino ako ngayon.
Ikaw ang pero sa bawat pagdududa.
Ikaw ang tindi sa bawat pag-intindi.
Ikaw ang struktura nitong tula.
Hindi natin alam
kung bukas ay maglalakad ulit tayo,
kung sa makalawa’y uupo ulit tayo,
magkukuwentuhan,
sabay itatahan ang mga problemang ating iniiyakan,
papaalalahanan ka na hindi mo kailangang maging sila dahil
ikaw ka.
Nais ko sanang sabihin,
na tara na’t palaging paalalahanan ang
isa’t-isa
na kahit kailan
hindi magiging produkto ang pagmamahal
para ibigay at maghintay ng kapalit.
Paalalahanan natin ang isa’t-isa na
ang pagmamahal ay isang donasyon sa nangangailangan
hindi ka man sigurado kung maibabalik sa iyo,
pero
naging masaya ka.
Ikaw,
kahit maglakad tayo pabalik,
at umulit tayo sa umpisa,
walang problema sa akin
dahil ikaw ang pagkakamaling handa kong ulit-ulitin.








