Ano ang Naalala mo sa Komyut?
Wala sa bahay, wala sa klasrum,
Wala sa gala, wala sa kwarto —
Nasa dyip ang tunay na diwa ng tao.
I. Purple LED ng Dyip
Hindi pa man ako sumasakay ng dyip ay kitang-kita na sa kalayuan ang mala-lila nitong LED na iniilawan ang mga pasahero. Isa itong hudyat — tapos na ang araw; kanya-kanyang babalik ang mga mag-aaral, manggagawa, at mga gumala sa kanilang tahanan. Tapos na ang araw. Tapos na ang laban.
Rush hour nanaman,
Digmaan ng mga komyuter,
Una-unahan sa bawat kanto;
Makasakay lang sa tag-11 na dyip.
E kung hindi ka pa pinatay ng 8–5 mo,
Komyut na ang dadali sayo.
Parang baraha lang ang pag-iintay,
Bawat tunog, may hiling;
Sana hindi pa ito puno,
Sana makaupo pa ako.
‘Di ko tuloy mawari sa pag-upo,
Ano pa ba ang ilalagay sa isip ko,
Pagod na ako, pinagod na ng araw na ito.
Ngunit mapaglaro ang purple LED,
Ibabalik nito ang lahat —
Pagmamahalan, paghihirap,
Sikreto’t mga pangarap,
Sa ating ayaw o gusto.
II. Sumpa ng Upong Wala pa sa Kalahati
11 pesos lang naman talaga ang pamasahe ko, marahil nga ay masyado na akong reklamador ngunit hindi pa sulit ang 11 na ‘yon kung 1/4th lang ng pwet ko ang nakaupo. Hindi pa pala nagtatapos ang digmaan sa siksikan sa sakayan, aabot rin pala hanggang sa upuan.
Pasensyahan nalang sa katabi ko,
Dapat komportable ako.
‘Yan sana ang susumbat ko,
Subalit tikom ang bibig ko,
Walang gana ang paa ko,
At pagod na ang balikat ko.
Bahagi ito ng pagiging komyuter;
Kapag masikip ang upuan,
Matutong tiisin ang siksikan.
Sa sandaling mahanap ang tamang upo,
Tsaka pa lang matatahimik ang diwa ko.
Ngunit mapaglaro ang purple LED —
Bawat pikit ko ay may tao,
May hiling, dalangin,
May pagsusumamo,
Sana’y mahalin mo rin ako,
Get kier.yuan’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Sabay tanong na bakit ba hindi ako?
III. Pambansang Taga-abot ng Piso
Alam ng lahat ng komyuter ang kultura ng bayanihan — nangyayari ito sa loob ng 12 na upuan ng dyip. Sa bawat “bayad po” ay may kamay na aabot at may kamay na tatanggap. Magbabayad ang lahat — kadalasan — at tsaka pa lang babalik ang kaginha-ginhawang katahimikan.
Manong bayad po,
Susulpot ang mga kamay
Hindi pa nga sigurado —
May tinging humuhudyat;
“Ikaw na ba mag-aabot?”
At may tingin na sasagot
“Ikaw na ang mag-abot”
Subalit walang makaiintindi,
At magbabanggan ang kamay na nakapasalo.
Magbabayad ang lahat,
Magbabalik ang katahimikan.
Ngunit mapaglaro ang purple LED —
At ako’y mapapaisip,
Kailan kaya ako mapagbibigyan.
Hindi lang sa pag-iibigan,
Ngunit pati na rin sa aking mga kamalian,
Pagkukulang, nakalimutan, at nakaligtaan.
Napagtagumpayan ko ba ang araw na ito?
O tumakbo lang muli ako sa problema ko?
Mayroon pa kayang magbabago?
May mga tanong ring pang-akademiko,
Sasapat kaya ang aking grado?
Huling taon na ba talaga kasama ang mga kaklase ko?
Isa na lang ang inaasahan ko —
Anuman ang mangyari,
Sana’y masarap ang ulam pag-uwi ko.
IV. Binababaan kong Katedral
‘Di kinalaunan ay nasa tulay na pala kami ng Paseo Del Congreso, ilang hirit nalang ay bababa na ako. Hindi mawawala sa bawat pag-uwi ko ang Katedral — may mga LED rin kase itong nakapupukaw sa tingin ko; ang iba ay kulay asul, iba ay dilaw. Paghinto ko rito ay bababa na ako — tapos na ang komyut ko sa dyip.
Isa nanamang araw ang natapos,
Subalit hindi pa tapos ang digmaan,
Magpapahinga lang ako sa laban,
Ito lang din bukas.
Mag-aaral, makikipagkwentuhan,
Makikipaglaban sa sakayan.
Kung papalarin ay makalalabas bago mag alas-sais.
Kung hindi, sana’y may kasabay naman ako.
Nang sa gayong paraan ay may kasama ako,
Hindi naman talaga malayo ang komyut ko,
Sadyang mautak lang ang isip ko,
Sadyang nagiging totoo lang ang sarili ko,
Sadyang mapaglaro lang talaga ang purple LED ng dyip.






