Hindi Mag-isa
Sa harap man o sa likod ng kamera.
Oras na naman ng pagtatanghal.
Bilog ang mata ng madla,
pintig ng puso’y kinakain ng katahimikan—
walang palakpak, sigawan, at papuring sumasalubong sa’yo.
Tanging hanging kay lamig na dumadampi sa balat mo.
Nakatitig silang lahat sa’yo,
at sa mga sandaling ito—
ikaw lang at ang entablado,
wala nang ibang sandata kundi ang sariling tinig mo.
Ngunit, sino ka kapag walang nakakakita?
Kapag gusto mong tumakas sa tawanan ng iba,
kapag nawala na ang mga titig nila,
sino kang lumalabas mula sa loob ng iyong kaluluwa?
Sino ka kapag wala nang kamera?
Kapag entablado’y tahimik at walang sumasayaw,
walang katawang nakaupo sa harap mo,
walang mga matang sinusuri ang bawat galaw mo—
Sino ka kapag walang nakakakita?
Ika’y malaya bang gumuguhit?
O kaya naman, pumipinta
ng mga larawan nila?
Kamusta ang iyong mga talento,
malaya mo ba silang naipapakita?
Sa harap nila, maingat ang ‘yong mga galaw,
bawat hakbang ay kailangang maayos na matanaw,
ngunit sa likod ng kamera…
Ikaw ba’y malayang sumasayaw?
Ayaw mong ipakita ang totoo sa kanila
dahil natatakot ka na
baka hindi ka tanggapin
bagkus iwanang lumuluha.
Get mileswrites’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Baka walang nakakaalam—
Na minsan madalas kang mapag-isa, masaya nang walang kasama,
tumawa nang hindi nag-aalala sa mga tingin nila,
dahil minsan, dito mo lang nakakamtan ang tunay na paglaya.
Sino ka sa katahimikan ng gabi?
Sa pagitan ng paghinga at pagod mong sarili?
Kapag wala ng iba,
malaya kang nagmumukmok.
Hindi ka nagtatago.
Malaya kang lumuluha,
Walang nag-aabang para punasan ‘to,
walang nagtatanong ng “okay ka lang?”
walang aasang palaging "oo" ang sagot mo.
Sa likod ng pinto ng kwarto,
ikaw ba ‘yung bumibitaw sa bigat na pasan-pasan mo?
Ikaw ba ‘yung bumabalik sa musmos mong sarili,
humuhuni ng mga kantang dati’y pampatulog sa ‘yong gabi?
Baka walang nakakaalam—
Na minsan nais mong mapag-isa,
ipipikit lang ang iyong mga mata—
at isigaw ang sarili mong pangalan
ng walang bahid ng panghuhusga nila.
Walang pangamba.
Walang tanong kung sapat ka ba.
At sa muling pagmulat ng iyong mga mata,
tumatakbo pala ang oras…
Kapag wala nang ibang nakakakita,
Ikaw ba talaga’y lumalaya o lalong nawawala?
Ikaw ba’y nananatiling ikaw?
O anino ka lang ng sarili mong pagdurusa?
Ngunit ipagpatuloy mo pa rin ang kwento,
Sapagkat ang tunay na larawan ng pagkatao ay bahagi mo–
sa harap man o likod ng mundo.
At marahil, hindi mo kailangang maglihim,
Hindi kailangang itago ang sarili sa dilim
o ikubli ang katahimikan na puso’y kinikimkim.
Dahil sa harap ng ilaw at kamera,
may saysay ang iyong kwento–
at may mga matang makakakita
kung ano ang totoo.
Sa muling pagharap mo sa entablado,
hindi na para sa takot na husgahan ka nila,
bagkus ay namnamin ang pagtanggap nila, hindi mo kailangang magtago
sa pagitan ng dalawang maskara,
Dahil kahit nasa harap o likod ka ng kamera,
asahan mong may kasama ka.
Hindi ka nag-iisa.








