Balat
SA KABILANG KALYE MUNA ANG RUTA KO NGAYON PAUWI SA BAHAY. Paminsan-minsan, dito ako naglalagi tuwing nagmamadali. Bukod sa hindi ko gugustuhing masunog ang balat sa init, at hamak na ring mas makulimlim at magaan ang hangin dito mula sa hili-hilerang puno at halaman, ito ang shortcut ko tuwing pagod at may hinahabol.
Liblib ang eskinitang nakadugtong sa kalyeng ito. Kaunti ang mga dumaraan kaya bibihira lang akong maglakas loob. Kapag ganitong mga araw na maalingasngas sa bungad ng kalyeng kinatatayuan ng inuuwian kong bahay, tatagos muna ako sa shortcut, hahaplusin ang lahat ng punong matatapatan ng bawat lukso-lundag ng aking mga paa, tatapikin ang espada, spider plant, kung may bulaklak ng orchids pang natira ang iba pang dumaan na humagip sa mga ito, at ang tumpok ng mga makahiyang halos kapapalagay pa lang ng loob, bumubukas, nagpapakita, nangungusap: daplisan mo lang ako ng balat at magkukubli akong muli. At hihiling akong sana isama niya ako sa kaniyang pagtatago, saka ko tatakbuhan ang lahat ng bumubulong mula sa kabilang kanto na pinamumugaran ng mga panunuksong hindi na masisipsip pa ng sugatan kong balat mula sa pagdaplis-haplos-tapik ng mga braso sa halaman. Iyon ang mga hinaharap ko tuwing pagod na sa pag-iwas. Iyon ang paglalakas-loob ko tuwing hinahabol ng panghihina.
Si John Rey, o Bebe na palayaw niya sa kanilang bahay at yaong nakagawian na ring itawag ng buong Kalye Uno sa kaniya, ang nagturo sa akin ng shortcut na iyon. Bagaman kaunti lang ang ibinabawas sa mga kakailanganing hakbang, ang mahalaga para sa aming nasusunog nang mga balat ay hindi umabot sa pamumula at pamamalat. Kung kaya’t sumisilong kami sa sangay-sangay ng panandaliang pagtakas sa init ng araw, hingal sa pagtakbo, at uhaw sa pagtanggap.
Hindi kinilala ng Kalye Uno ang mga katangiang kaakibat na ng kaniyang pagsilang. ‘Pabebe’ pa nga ang unang naging bansag sa kaniya—malambot daw kasi. Nauwi sa ‘Bebe’ para umikli, gayong haba naman ng mga pumipilang panunukso na nagtatago sa pangalan niya: Bebe! Beki! Bekla!
Tapat lang ng isa’t isa ang kinatitirikan ng mga bahay namin: poste sa poste, gate sa pinto, bintana sa dungawang grills. Tapat din ang mga pamilya namin sa isa’t isa: umuutang ang mama sa munting sari-sari store nila; nag-aabot naman kami ng bulto-bultong mangga tuwing buwan ng pamumunga. Madalas, ako ang maglalapag sa tindahan ng listahan ng mga hihiramin para sa araw na iyon. At habang inihahanda ng ina ni Bebe ang siyang lulutuin naman ng mama, gagawa ako ng ingay bilang hudyat ng pagtakbo naming kapwa labing-apat na taon na hangad lang ang makatakas at makapaglaro, at maging ganap ang kung sino kami sa ilalim ng lahat ng mga balat naming nakikita at sa hindi nakikita, lahat ng nadadaplisan at natatapik, at sa lahat ng nasusugatan at naghihilom. “BEBE!” Saka siya lalabas at magpapakita—walang kinahihiyang ibabalandra ang labing pininturahan ng pulang nips; ang mga kilay niyang hindi man naging pantay, siyang naging halamang espada naman sa nipis at tulis, na ang sabi pa: “Ang humarang, bangga! Ang bumangga, masusugatan!”
Maaga naming sininghot ang halimuyak ng nakaaadik na kalsada. Kaya hindi na rin maipagtataka ang kutis ng aming mga balat na puno ng peklat mula sa mga galos ng pagkakadapa at pagkakasubsob sa lupa. Sakto pang uso ang kataga noon na kapag naglalaro sa kalsada ang mga lalaki, babae, at mga babaeng gustong maging lalaki, aktong may daraan na hindi kasama sa laro, ay bubulong silang parang hindi naririnig ng mga binabae ng kalye: “Ang bumangga, bakla!” Saka gigitna si Bebe, rarampa sa pagitan ng mga halamang nakasusugat, ipantatapat ang kilay na sasalpok sa talim ng kanilang mga salita.
Walang araw sa Kalye Uno tuwing buwan ng Marso na natatapos nang tahimik. Magsisimula sa ingay ng mga naglalaro, matatapos sa espadahan-bangayan. Iyon ang hanging patuloy naming nilalanghap ni Bebe. Nakasusugat man sa balat, paglaon ay maghihilom din, kaya nanatili kaming lulong sa kalsada.
Ganito kami marahil nakikita ng haring araw: sa umaga ay babad ang hubad na paa’t kamay sa paglalaro ng putik; sa tanghali’y dadalaw sa kaniya-kaniyang bahay para alisin ang pag-aalala ng pamilya, mag-iingay ako, “Bebe!” saka babalik sa sementadong lupang naging tahanan na ng aming kamuwangan; magbibilad sa tirik na araw; makikipaghabulan sa mga pamamansag; mapapagod sa pagmamasid; lulubog ang haring araw, matatabunan ng dilim ang lahat ng balat na nakikita. At kapag tanging ang buwan na lamang ang nakakikita sa amin, sisibol kaming parang makahiya: ang mga tinapik ng panunukso, at pagkaraan ng lahat ng dadaplis na salita, ay hetong handa ulit kaming magbukas—walang itatago sa mundo.
Maaga naming nakilala ang isa’t isa bilang kami. Mas nauna lang marahil ang mga kalaro namin—bago pa man aminin ni Bebe na totoo namang pabebe siya at hindi lang dahil natural na malamya ang kilos niya gaya ng sa ibang mga batang lalaki; bago ko pa man lingunin ang mga pamamansag na “Beh” dahil nahawa na raw ako sa kalamyaan niya. Kahit pa hindi iyon nalalalapit sa “Terrence”, pero dahil ramdam kong iisa kami ng pagkatao, ako na lang ang lumapit sa kaniya—nagtago sa likod ng palayaw naming magkahawig, kaya naging isa akong makahiyang paulit-ulit nagsara-bukas, sinaktan-nagtago, walang kayang ipakita sa mundo, tanging kay Bebe lang.
Sa aming mga gabi sa kalsada, habang ang lahat ng makahiya ay hindi nakikita ngunit nakabukas, at walang haring araw na titirik ay kami munang dalawa ang mag-iinit, at sa pagitan nami’y may tatayong nagtatago. Iba ang pakikitungo sa aming “iba” sa mga kapwa naming batang lalaki. Pero anong natatangi sa aming mga balat sa binti na tuwing mag-iinit ay singbilis lang din ng sa lalaki kung aakyat sa aming mga ari? Kaya kung may boy’s night ang aming mga kalaro sa initan, may mga gabi ring gaya nila, tutok ang mga mata namin ni Bebe sa cellphone; tirik ang mga titi; magbubukas na parang naghihintay ng hahaplos ang mga zipper, saka marahil ay mahihiya’t magsasara dahil kapwa kaming bakla—hindi maaaring magtagpo ang mga pagnanasa dahil hindi kami ang mga lalaking kinasasangkapan ng mga pornograpiyang tumutugon sa aming kyuryosidad. Kaya sa ilalim ng puting ilaw ng buwan, sa harapan ng mga nanlilisik at namumuting mga mata mula sa repleksiyon ng iskrin, sa puting likidong sumabog dito, at sa puting budhi ng kamusmusang aming pinarurumi sa mga gabing iyon, natagpuan kong kahiya-hiya ang sarili ko.
Batid ni Bebe ang lahat ng lihim at pinakatago-tago kong mga sikreto mula pagkabata. Dahil nga pareho kaming minamata ng aming mga pamilyang natatakot na kami ay maging bakla, pinagkasundong sabay kaming magpapatuli pagtungtong ng bakasyon, bago kami pumasok ng eskwelahan—habang hilaw pa ang mga mangga sa bakuran, at nataon pang inuutang lang ng mama maging ang pang-umagahan namin noon, ay walang naipanggastos sa aking sana’y pagbibinata, kaya nanatili itong hinog. Hanggang sa pagitan ng mga taon na nakaluluwag na ang pamilya, nagkatrabaho na ang kuya kong hindi kailanman ninais na saluhin ang responsibilidad na tinakbuhan ng naduwag naming ama, pero handa raw magwaldas ng pera, makalabas lang daw ako ng bahay nang hindi ko iniyuyuko ang aking ulo; nang hindi nagkikibit-balikat at ikinukrus ang mga braso, nang wala siyang kinahihiyang kapatid sa kahit na sino.
Sa pagitan ng mga taon ng pagsisid namin ni Bebe sa katotohanan ng isa’t isa, nasaksihan ko kung paanong naging mas magaan ang trato ng mundo sa kaniyang bagaman bakla at sunog ang balat, sa pagtanaw ng Kalye Uno ay siyang mas malinis kaysa sa aking bakla na nga, sunog na nga ang balat, nanatili pang sobra ang balat na nasa burat.
Noong gabing iyon na pininturahan ng aming mga pagnanasa sa mga bortang singkit at mapuputing tsino ang kanbas ng namumutlang kalangitan, kahit pa salungat ng direksiyon ang aming mga mata ‘pagkat naiiba ang tipo ko sa maraming tipo niya, ay iisa ang naging tunguhin ng aming haraya: ang makaramdam ng paghaplos sa aming mga balat, kasabay ng pagtaas-baba rito ay ang pikit-dilat-kurap ng aming mga mata, saliw sa ritmong nililikha ng ilaw ng iskrin na aming pinaghahatian. At sa huling minutong kumikindat ito ay sabay kaming didilat mula sa aming mga pagpapantasya, ipapaalala ng mga lalaki sa iskrin na binabae ako; bakla siya; lulan ng tinatawag na ikatlong kasarian; kapwa kinakantyawan, kinamumuhian, kinasusuklaman mula balat hanggang kaloob-looban at kasulok-sulukan ng aming pagkatao. Ngunit iba ang hitsura ng titi ko sa titi niya: naputol na ang sobra sa kaniya; wala nang ulong tinatago dahil nagladlad na siya sa pamilya niya. Hinarap na niya ang mga kalarong bumabanat sa kumukunot niyang noo tuwing tatawagin siya sa tunay niyang pangalan. Habang ako ay mananatiling ako, sa lilim man ng mga puno, sa mga mata man ng haring-araw at buwan. Sa parehong gabi na iyon, makahiya akong titiklop, isasara ang dalawang binti, mananatiling nakayuko ang mga ulo, nakatakip at nagtatago sa ilalim ng zipper ng pantalon, at ng brip na kinukupal.
…
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kasangga ko sa mga hamon si Bebe. May mga gabing kailangan kong managinip nang mag-isa dahil hindi kami papayagang lumabas. Susundan ng mga pagkakataong kasisigaw ko pa lang ng “Bebe!” sa tapat ng kanilang tindahan ay papapasukin ako ng kuya, o kung hindi, ng mga kapitbahay kong kukumustahin ang ari ko, na sa palagay kong naging mas kapansin-pansin pa kaysa sa hungkag kong katawang nangingitim, at ang pagkabakla kong mas nakikita dapat ng mga hubad nilang mata: “Oy, makunat na ‘yan. Pwede nang prituhin!” at ang balik ko sa kanila: “Kakainin n’yo ba?”
Get mulakayrence’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Batid kong hindi masusukat ng ‘oo’ o ‘hindi’ ang kanilang pandidiri kung itutuloy ko ang pagsagot-tanong. Sa isip ko, sino bang gugustuhing tumikim ng sunog na sobrang balat sa burat ng baklang nauna pang putulan ng pagtanggap ng ama at ng kuya? Kahit anong pagyuko at pagkukubli; anuman ang kapal ng damit kong bumabalot sa lahat ng tinatago ko, mananatili akong walang saplot sa pananaw nila—nababakas ang ulo; walang katotohanang kaya pang tabunan, kahit pa gamitin ang balat na hindi nagupit sa akin upang ako ay pagtakpan—hindi pa rin sasapat.
Kaya kapag batid na namin ni Bebe na mabigat ang ulap sa amin at sa ilang minuto lang ay mayroong babagsak na luha, ay aayain niya akong tumakbo palayo sa lahat. Dadalhin niya ako sa eskinitang noon pa ma’y dinaraanan na ng aking mga mata ngunit hindi ng mga paa. Pakakalmahin niya ako sa tanawin ng tumpok ng mga berdeng halaman. Daraan din sa mga ito ang aming mga daliri.
Matagal na raw niyang binibisita ang tagong eskinita na iyon. Bago pa man niya ituro sa akin, una na raw niyang naramdaman ang yakap doon. Hindi man ng isang tao, bagkus ay hangin at mga halaman. Hinatid ni Bebe ang mga kamay ko patungo sa hilera ng mga halaman, inisa-isa ang pagpindot sa mga dahong nakakabit sa tangkay nito, saka kikislot paalon ang sunod-sunod na reaksyon nito, na susundan naming sa unang pagkakataon ay mararamdamang hindi kami nag-iisang nahihiya.
…
Hindi rin panghabangbuhay ang pagyakap ng isang kapwa ko bakla na si Bebe. Kahit pa wala sa aming sumpaang saksi ang araw at buwan, na pagkatapos ng pagtatago at paglalantad, at sa aking patuloy na pagkukubli ay babalik kami sa eskinita. Saka siya hahatakin pabalik sa lupang kaniyang tinubuan—sa probinsiya. Sa Rizal daw siya magpapatuloy ng hayskul. Hamak na mas may pagkakakitaan daw ang pamilya nila roon, kaysa sa sari-sari store na ang pangungutang na lang ng mama ang bumubuhay. Doon daw muna siya mamumukadkad. Habang akong itinanim niya sa eskinita ng Kamaynilaang putik ay parang binungkal ang mga ugat nang mapagtantong hindi ko na kailanman magagawa pang haplusin ang mga puno kasama siya, tapikin ang mga halaman lalo na ang mga makahiya, magbabad sa anumang kulay ng kalangitan at kulayan ito ng kalibugan. Ang tanging nanatili: bakla pa rin ako, sunog ang balat, sobra ang nasa burat, hungkag at payat, at higit, tinatago pa rin ang lahat ng nakikita ngunit kailanman ay hindi nila madadaplisan, masusugatan, at maputulan.
Ganoon pa rin ang mga tagpo sa tuwing matatagpuan ko ang sarili na mahihiya. Yuyuko ako’t aaktong bulag at bingi sa lahat ng natatanaw at naririnig sa Kalye Uno—ang mga tsismisan sa anumang anyo: sa katirikan ng araw, ng mga bata o matanda, ng lalaki at babae. Iba-iba man, lahat sila ay nagiging mga plantito’t plantitang handang ibaling ang atensyon sa mga bagay na para sa kanila ay kakaiba, at ako mismo, ay halamang exotic, bago sa mata at hindi normal—may dapat tanggalin at putulin. Ngunit imbis na hayaan na tuluyan nilang bungkalin ang nag-aagaw buhay kong mga ugat, pilit kong ikinakabit ito sa lupang unang yumakap sa akin: Sa Kalye Dos, tabing eksinita, sa tinurong shortcut ni Bebe. Doon ay kahit wala siya, payapa ako’t malayo sa ingay ng panghuhusga. Doon ay tanggap ko na nasa tamang katawan ako, kahit balot na balot ako ng damit sa takot na lalo pang masunog ang balat. Doon ay mas kilala ko ang sariling handang takbuhan ang lahat, ngunit hindi ang pagnanasa ng tirik na laman, tugon sa mga pantasiyang haplos sa katawang salat sa pagtanggap. Doon, handa akong yakapin ang init nang mag-isa, ang anumang hanging dadaplis sa akin, at kung may boses mang sasagi sa aking tainga na magmumula sa kawalan, mananatili akong nakatago at nakakubli—nahihiya. Doon, sa hubad kong mga mata, ang mga balat kong kakulay ng lupa ay hahalo sa lahat ng walang maihaharap, mananatiling nasa ibaba—nakatingala, tatapak-tapakan, at maghihintay ng muling hahaplos dito.
Ngunit ang halaman at lupa, bagaman nag-iisa, ay hindi maaaring maging tuyot kung may sikat ng araw, tamang kulimlim, bugso ng amihan, at kung anong mga pataba. Sa aking pag-iisa ay natutuhan kong paakyatin ang lagablab ng sensasyon mula talampakan hanggang binti’t baywang; tunggaliin ang dilim at lamig nang mag-isa sa tuwing dadalawin ng mga panaginip-pantasya; paliguan ng tubig panlinis ang ulo ng titing pinalilibutan ng nanunuyot nang semilya, at pahiran ito ng kung anu-ano, manatili lang malinis at handang ihain kung kanino. Kapag hinog na’t dumating sa puntong hindi na lang ang kamay ko ang pipihit paibaba sa aking balat, ititingala ang ulo, ibubunyag sa mundo ang tunay kong pagkatao: bakla, sunog, sobra, ay huhubarin kong lahat ng nagtataklob sa kung sino ako, sa pagitan ng dalawang binti, sa ilalim ng mga balat na hindi nakikita—ang hindi nahiwa ngunit nag-iwan ng marka. At sa pagkakataong hubad na ako mula balat hanggang kaluluwa, wala nang muli pang magkukubli at mahihiya.
Sa pag-iisa ko rin nakitang may puwang sa pagitan ng ulo at ng sobrang balat. Ang mga espasyong taon din ang ginugol upang maalis ang mga humaharang na pangamba, kung kaya’t natagalan sa pag-usbong ang ulong ngawit sa tagal nitong iniyuko ang sarili. Sa mga puwang na iyon ko rin naramdaman ang pagtanggap na inaasam. Na ang titing naghihintay na makadama, kapag hinaplos ay maaaring magalit. At kung may sobrang balat pa dito ay parehong reaksyon lang ang mararamdaman—mangungunot ang noo, magagalit, maninigas ang pusong tatakbo at magtatago. Ngunit itong gayong kaiba sa hitsura at may sobra, kung yayapusing ay mananatiling iisa ang gamit at representasyon.
Ang sobrang balat marahil ang nagdurugtong sa akin at sa pagkakakilanlan kong muntik ko nang itapon, ngunit nang patatagin ito ng panahon, naging makunat at elastiko, binanat ang lahat ng ako, saka naging handa sa katotohanang ako, at ang titing nagtatago sa ilalim ng balat ko ay sa huli’t huli’y maisisiwalat: “Bakla ako”, saka lilingon kuya at ang mga kalaro kong namumugad sa Kalye Uno. Batid nila, pero ang hindi ay ang katotohanang wala sa balat na ibabawas sa lalaki ang kasarian nito. Mananatili silang mangmang. At ako ma’y tapiking walang humpay, hindi na hihiling pa ng marahang mga kamay. Hindi magagalit, bagkus paulit-ulit na magiging matatag—matigas.
Hindi na bumalik pa si Bebe sa Kalye Uno. May mga araw na ipakikita ko sa haring araw na nakatiklop ang mga braso ko, daraan sa eksinitang pinasasalamatan kong natagpuan ko dahil sa kaniya, magpapa-abot ng gabi at handang suuing ang lamig habang hubad ang puso’t isip. “Bakla ako!”, at kung manatili mang sobra ang balat sa gitna ng mga hita ko, naging kabawasan ba iyon sa aking ganap na pagkatao?
Sa eskinitang iyon ko rin naalalang hanapin sa internet ang kaibigan ko, at doon ko mababalitaang may nobyo na pala ito. Pareho silang lalaki manamit. May bigote at balbas. Kung hindi ko lang alam na bakla ang kaibigan ko, baka mapagkamalan ko pang magkaklase lang sila. Sa nakikita ko ay masaya na si Bebe. Masaya rin akong nakuha na niya ang pagtanggap na sabay naming inasam noon. Wala halos nagbago sa kaniya: bakla pa rin, maitim pa rin ang balat. Habang ako, maaaring nag-iisa, pero oo, bakla pa rin, matingkad ang kayumangging balat, sobra pa rin, nanatiling buo, pero naging matatag.
Ang totoo, maraming pagkakataong naghanap ako ng kasagutan mula sa kaniya kung ano bang pakiramdam nang hindi nahihiya sa sariling pagkatao, katawan, kung mamuhay mang supot ay kailangan bang mahiya’t magtago? Pero tulad ng mga makahiya sa eskinita, wala akong nakuhang sagot mula sa paghihintay. Sa halip ay tinapik ko ang mga ito. At mula roon, tanging ang mga galaw ng halaman ang umalalay sa aking sandaang panaghoy:
Ang pagiging bukas ng mga pakpak-braso ng makahiya ay isang paalala na ang pagkabakla ay isang posisyon, at isang uri ng pagbalikwas sa nakamihasnang limitasyon ang pagpapakilalang hindi sila mananatiling nakabaluktot panghabangbuhay. At yaong pagkabukas mismo ay ang kanilang nakabuyangyang na pagkatao. Sisirin mo hanggang sa kaloob-looban ng kanilang singit-singit na pagkatao, handa itong tanggapin ka, at kung matagpuan mong sobra ang balat ay hayaan mong mahiya ito. Unti-unti, yayakapin, hindi na muli pang hahayaang magsara ang naninigas nitong puso. At sa oras na makita mo ang ulo, doon mo mababatid ang kaibhan niya sa lahat ng balat na nakikita at hindi, sa lahat ng nadadaplisan at natatapik, at sa lahat ng nasusugatan at naghihilom. Sariwang-sariwang iba pero hindi naiiba. Kapwa kayo walang itatago sa mundo. At sa wakas, matatagpuan mo ang puso ng kaniyang pagkatao: hindi nahihiya; hindi kinakailangang mawala ang balat para maging taas-noo ang ulo sa mundo. Babagtasin niya ang kalye. Sa gitna nito. Haharapin niya ang lahat.
Iyon ang araw na ang sobra ay siyang naging pinakamakunat na balat sa lupa.
Opisyal na lahok para sa Saranggola Awards 2025 — Sanaysay






