Tan Line
Totoo pala ‘yung sinasabi nilang kahit sobrang ganda o ayos ng ginagawa mo, mayroon pa rin talagang masasabi ang mga tao. I learned it the hard way, ika nga, at sa oras na ito, lalo kong ipinagpapasalamat ang sarili ko na ginagawa ko ang mga bagay nang may buong puso at determinasyon. Hindi ko man sasabihin ang naranasan ko talaga, ngunit gusto ko sanang ilabas ang lahat sa pamamagitan ng isang maikling kuwento: Tan Line.
Nakaugalian ko nang magsukat ng timbang tuwing umaga. Nagkaroon ng punto sa aking buhay na araw-araw akong naiirita kasi tila ba’y hindi bumababa ang timbang ko. Nasabihan din ako ng mga linyang “uy tumataba ka!” o “uy, parang ang lusog natin ngayon ah, busog?”… o kaya naman, ang pinakamalupit: “uy, bakit tumataba ka, eh si **** nga, pumapayat! tularan mo!” Nakalulungkot na galing pa talaga sa mga kamag-anak. Gano’n naman ‘yata ‘pag malaki ang pamilya… ‘di ko alam, ganoon sa mga karanasan ko, e.
Ipinangako ko sa aking sarili na darating ang araw na hindi ko na ‘yun maririnig. Kaya, nagkaroon ako ng plano:
Una, sinimulan ko sa pagbabawas ng kinakain — ‘yung mga paborito kong milktea o ‘yung ekstrang kanin para sa Bulalo, inayawan ko na muna, kahit man natatakam ang aking kumukulong tiyan na salubungin ang kasarapan ng mga ito. Inulit-ulit ko ang kaugaliang ito, bagkus, wala talaga. Siguro, mga isang kilogram lang ang binaba ng aking timbang sa loob ng dalawang buwan.
Kaya, pangalawa, sinubukan kong dagdagan ang involvement ko sa ehersisyo. Buti na lang talaga, nagkaroon ako ng hilig sa paglalakad at pagtatakbo dahil malawak din naman ang kolehiyo. Salamat sa maiiksing grace period o kaya naman sa on-time mag-dismiss! :) Balik tayo… kadalasan, sa tuwing naglalakad o tumatakbo ako, nalilimutan kong ilabas ang payong ko, kaya ramdam ko talaga ang init tuwing tumitirik ang araw. Kahit sa mga araw-araw kong paglalakad sa labas ng unibersidad, kahit sombrero ay hindi na ako nagsusuot; siguro, para sa akin, mas marami kasing bibitbitin kapag gano’n, at hindi ko na masyadong nae-enjoy pa ang bawat yapak kung ganoon. Ayaw naman nating maraming dala sa isang paglalakbay, ‘di ba? Kaya, hinahayaan ko na lamang i-welcome ng aking balat ang mga sinag ng araw.
Get Gab’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Hanggang sa isang beses na nagtanggal ako ng relo sa aking kaliwang pupulsuhan, nakita kong may bahaging mas maputi kaysa sa ibang parte ng aking braso. Tila ba’y… nagkaroon ako ng tan line. Hindi naman ako umitim nang sobra; para lang akong naging mas morena mula sa aking morena nang kulay. Tapos, makalipas ang ilang buwan, nagkaroon na ako ng tapang na harapin ang mga numero sa timbangan. Numbers don’t define you, ika nila, pero noong nalaman kong mga limang kilogram ang binaba ko, abot-tainga ang aking ngiti. Nagbunga ang aking mga pinaghirapan! Hindi na rin ako overweight, at nakita ko ang aking sarili na isa o dalawang beses na lang nagm-milktea kada dalawang buwan. Naroon pa rin ang ekstrang kanin para sa kaldereta, pero minsan lang naman mangyari ‘yun sa isang buwan, kaya ako’y iyong pagbigyan.
Tumaas ang kumpiyansa ko sa aking sarili. Kaya noong nalaman kong mayroon kaming family reunion, talagang nakita rin ng aking pamilya na sabik na sabik akong makita muli ang aming mga kamag-anak. Halos magdadalawang-taon na kasi simula noong nakita ko ‘yung paborito kong kuya (na pinsan ko) at ‘yung anak niyang pamangkin na mas bata lamang sa akin nang isang taon. Noong nakaraang taon, nagkaroon ng alitan si kuya at ‘yung kapatid kong pinakamalapit sa akin; kaya, hanggang ngayon, hindi kinakausap ng aking mga magulang si kuya.
Siyempre, hindi mawawala sa family reunion ang kumustahan. Pagkatapos naming makipag-usap sa aming lolo at lola, tila naghiwalay kami ng pinuntahan nina nanay at tatay. Lumapit sila sa isa kong tita na galing Estados Unidos, samantalang ako naman ay lumapit na kay Kuya at sa aking pamangkin. Hindi naman ako damay sa away nina kuya at ng kapatid ko, kaya bilang respeto ay pinaglaanan ko ng oras ‘yung pagpunta ko sa kanila.
Hanggang sa… nagkaroon ng komento si kuya. “Parang umitim ka ‘yata, a? May parte sa wrist mo na mas maputi na kaysa sa iba.” Nang sabihin ko sa kanila ng aking pamangkin na bunga ‘yun ng aking paglalakad at pagtatakbo noong mga nakaraang buwan, nagsabi ang aking pamangkin ng “Wow, tita! Maganda ‘yan, may exercise ka. Idol nga kita ro’n, e.” Napangiti naman ako at nagpasalamat sa kanya. Samantala, biglang pinayuhan ni kuya ‘yung pamangkin ko: “Anak, ‘wag ka masyadong maglakad at tumakbo, a, baka matulad ka kay Ate mo na umitim at nagkaroon pa ng tan line.” Sabay silang tumawa pagkatapos no’n.
Nakisabay na lang din ako, ngunit naramdaman ko mula sa loob ‘yung kalungkutan. Na para bang pinipilit ko lang ang aking sarili na tumawa, pero gusto ko talagang umiyak. At ang pinaka-ayaw ko ay ‘yung pinagmulan nito: sa interaksyon namin nina Kuya at ang aking pamangkin. Hindi ko aakalain na ‘yung minsan kong inabangang kuwentuhan ay siyang magiging karanasan kung saan nakita ko ang aking sarili na masasaktan nang tuluyan. Hanggang ngayon, hindi pa sila humingi ng tawad. Hindi ko alam kung kailan; hindi ko rin alam kung malay silang nasaktan ako, pero ayos lang naman.
Dito ko talaga napagtanto na kahit mahaba na ang iyong pinagdaanan, kahit ginawa mo ang mga bagay kahit walang nanonood, mayroon at mayroon pa rin talagang masasabi ang mga tao. Kaya, gawin mo ‘yung gusto mong gawin! Huwag kang panghihinaan ng loob, huwag hayaan na lamunin ng pagdududa ang iyong kapasidad. Do it scared.






