Walwal
Lumalabas na wala naman talagang kaibahan sa mga problema ng mga kabataan sa noon at ngayon
Director:
Jose Javier Reyes
Cast:
Elmo Magalona, Kiko Estrada, Jerome Ponce, Donny Pangilinan, Devon Seron, Kisses Delavin, Jane De Leon, Sophia Senoron
Story and Screenplay:
Gerard Mark Foliente
Genre:
Drama
Production Company:
Regal Films
Distributor:
Star Cinema
Country:
Philippines
Language:
Filipino
Running Time:
1 hr 43 min
Technical assessment: 3.5 ★★★✬✩
Moral assessment: 2.5 ★★✬✩✩
MTRCB rating: PG
CINEMA rating: V14
Kuwento ng apat na kabataang magbabarkada na may kani-kaniyang pinagdadaan sa buhay: si Dondi (Elmo Magalona) na sobrang in-love ay iniwan ng kanyang girlfriend at ipinagpalit sa isang lesbiyana; si Marco (Kiko Estrada) na isang playboy na nakabuntis ng isang babaeng hindi niya gaanong kakilala; si Bobby (Donny Pangilinan) na nais maging filmmaker at hirap sa pagkumbinsi sa negosyanteng ama na may kinabukasan sa napili niyang kurso; si Intoy (Jerome Ponce), na anak ng isang nalaos na artista (Angeli Bayani), at nais makilala ang hindi nakagisnang ama. Sa sala-salabid na buhay ng apat, sabay-sabay nilang haharapin ang kani-kaniyang suliranin nang magkakasama. Mapagtagumpayan kaya nila ang kanilang mga pagsubok sa buhay at maging handa na kaya sila sa pagharap sa mga suliranin bilang responsableng nakakatanda?
Get CInEMA Editors’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Nagsubok ang Walwal na maging salamin ng mga sentimyento ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon — o ang mga tinatawag na “millennials” — ngunit pawang naging pilit ang mga paraan nito, pagkat lumalabas na wala naman talagang kaibahan sa mga problema ng mga kabataan sa noon at ngayon. Nagbago lang ang panahon at mga pagkakataon ngunit ang mga suliranin ay ganun pa rin — tulad ng hindi sila nauunawan ng kanilang magulang, nais nilang magkaroon ng sariling pagkakakilanlan, at iba pa. Marahil nagkulang ang pelikula sa pagpapakita ng mas interesanteng anggulo ng mga suliranin ng mga millennials. Sa apat na kuwento, hindi rin maliwanag kung sino ang pinaka-bida — hindi dahil sa pantay-pantay ang kuwento, kundi dahil ang punto de bista ay wala sa may pinakamabigat na kuwento. Sa kabilang banda naman, pasado ang pelikula kung ang pag-uusapan ay ang talento ng mga nagsiganap — mahuhusay silang di-hamak lalo na sina Ponce at Estrada. Si Magalona ay kailangan pang maghasa sa kanyang emosyon at si Pangilinan naman ay nagpakita ng natural na talento na kailangan lamang ng panahon upang mahubog. Konting tulak pa sana at magiging matagumpay na ang pelikula sa pagnanais nitong bigyang tinig ang mga millennials; sa ganitong adhikain, kapuri-puri na rin ang Walwal.
Sa biglang tingin sa pamagat ng pelikula, aakalain mong walang kuwentang pelikula ang Walwal. Ngunit kung susuruin, may pagnanais itong magbigay ng mensahe ukol sa mga tama at maling desisyon na ginagawa at gagawin ng mga kabataan. Sa kanilang paghahanap ng sarili, marami silang pagdadaanan at ipinakita sa pelikula ang halaga ng pagkakaroon ng mga tunay na kaibigan. Sila ang magsisilbing hingahan, tagapayo at kaagapay sa suliranin. Maaring hindi parating tama ang kanilang pagdamay at paghahain ng solusyon — gaya ng maraming insidenteng ipinakita sa pelikula — pero ang mahalaga’y nagkaroon ng karamay at nakakaramdam silang hindi sila nag-iisa. Maganda rin ang naging papel ng mga magulang sa Walwal. Iba-iba sila ng naging istilo ng pagpapalaki sa kanilang mga anak ngunit isa ang malinaw — lahat sila’y nagnanais ng maganda para sa anak. Ipinakita ng Walwal na oo, mahirap maging bata sa panahon ngayon ng maraming pinanggalingan ng stress at pressure, lalo sa social media, pero mas higit ang hirap ng magulang sa mga sakripisyong kailangan nilang gawin para mapalaki at mapag-aral lang ang mga anak.
Marahil nagkulang ang pelikula sa pagpapakitang kailangan din ng pananampalataya sa Diyos upang mapagtagumpayan ang anumang pinagdadaanan — pero siguro din ay naging sapat na ang pagpapakitang higit pa ring naaayon na sumangguni ang mga bata sa mga mas nakatatanda upang sila’y magkaron ng tamang gabay. Ang mga kaibigan at kabarkada ay naririyan lamang upang magbigay lakas at inspirasyon — pero ang totoong dunong at direksiyon pa rin sa buhay ay nasa kamay ng mga taong dumaan na dito at alam ang ibig sabihin ng salitang malasakit, pananalig, at sakripisyo. Marami ring kailangang suriin at pag-isipan sa pelikula tulad ng pagiging katanggap-tanggap ng casual sex na para bang cool ang dating kung ang isang lalaki ay marami nang babaeng naisasama at naikakama sa motel. Nariyan din ang kuntsabahan ng magkakaibigan sa pangyonyopya at pandaraya kung saan pilit na inilulusot ang mga kasabwat bangama’t sila man ay may pagkakamali din. Pati ang pagkondena sa pagkakaroon ng karelasyon sa kapwa babae ay nararapat ding bigyang pansin. Dahil sa ilang mga eksena at tema sa pelikula na hindi angkop sa mga batang manonood, mungkahi ng CINEMA na ito ay panoorin lamang ng mga manonood na may gulang 14 pataas. –RPJ










