minsan sa'yo—este sa elyu.
noong una akong naupo sa pampang ng elyu,
ang araw ay unti-unting lumubog sa'king abot-tanaw,
parang isang painting kung sa'n naglalaro ang ginto at pula,
isang langit na napakaganda—gandang nakakaubos ng salita.
naalala kita noon—
kung paano ang iyong ngiti ay kayang magpakalma ng bagyo,
bagyong pilit na nag-iingay sa ulo ko,
kung paano ang iyong tawa,
ligaw at walang pigil,
ay tila sayaw ng mga ulap na nakikipagtagpo sa araw.
maganda—hindi,
kulang ang salitang 'maganda' para mai-depina ka.
pero ang elyu, katulad mo, ay hindi lang puro paglubog ng araw.
ang mga alon dito'y malakas—mabangis,
tumataas nang may galit na hindi ko maunawaan,
hinihila ang lahat ng mahawakan papunta sa kalaliman.
parang ikaw lang—
no'ng kuhanin mo ang mga piraso ng sarili ko
na hindi ko pa handang pakawalan,
hinila sa madilim na sulok ng iyong pag-aalinlangan.
ang mga alon ay sumasalpok sa pampang,
pagkatapos ay umaatras,
laging bumabalik ngunit hindi nananatili.
ganoon ka sa akin, 'di ba?
ikaw, lalapit nang sapat
para maniwala akong mananatili ka;
pero lalayo rin kapag inabot kita.
pabalik-balik, bukas-sarado—
isang agos na sinubukan kong pigilan
gamit ang sugatan ko nang kamay.