Sitemap
Elcano

Elcano

Ordinary man. Insane world.

Super Proxy

4 min readSep 7, 2021
Press enter or click to view image in full size

Lunes na naman. ‘Yong pagbangon ni Kiko may kasamang bigat at pagod, aakalain mong Biyernes na sa mukha niya kung di ka titingin sa Kalendaryo. Tila ba pilit ang pagpasok sa trabaho, kasi napakapangit ng nakakasalmuha niya araw araw, mula sa byahe hanggang sa opisina ngunit wala siyang choice kung hindi magtrabaho para mabawasan ang pagkabalisa patungkol sa mga suliraning pinansyal ng buhay.

Maputik at bahang kalsada- umulan pala kagabi. Karag-karag na tricycle, konting lubak titilapon ang ulo sa bubong- wala naman kasing suspension system yung sidecar. Punuan na kagad yung dyip pa-Maynila, tapos yung mukha ng mga nakapila parang pauwi na kagad.

Sa isip ni Kiko, bakit ba nagsasabay sabay lahat lumuwas pag Lunes, pwede namang Linggo ng gabi umalis. Sagot ng konsensya niya: “Isa ka rin naman e.”

Sobrang usok sa EDSA di mo na kailangan magyosi para mamatay. Bawat mukha ng APOR nakabalot ng plastik na walang silbi. Face “shield” daw. Pila sa MRT napakatindi. Bansang ayaw sa trapik, pero mas pinapadali ang pagkuha ng auto (kaysa padaliin ang sistema ng pampublikong transportasyon), kaya kahit kakarampot ang sahod mabilis kung makapangutang ng kotse. Mas mayaman daw kasi tignan pagnaka-auto pero sakit sa ulo ang panghulog kada buwan.

Banas na banas si Kiko. Sawa na ata sa araw araw niyang gawi. Ayaw niyang sukuan kasi nga kailangan ng pera, pero ayaw niya rin trabahuhin kasi napakamiserable ng dating sa kanya. Gusto niya ng ka-sub. ‘Yong sub na magtatrabaho para sa kanya habang siya nagpapahinga ng bayag. Binubuo na niya sa imahinasyon niya yung Proxy , at kung anong mga bagay ang gagawin nito para sa kanya, hanggang sa nakatulog siya paglampas ng tren sa Kamuning.

Nasa kahimbingan siya ng pagtulog nang biglang huminto ang tren, naalog siya sa kinauupuan. Sa harap niya, napansin niya ang isang lalaki, nasa kwarenta anyos tungong singkwenta. Kulay puti ang buhok. May name pin sa kanang dibdib, nakasulat: Eleandre “Salesman.” Nginitian siya nito at tinitigan.

Sambit ni Kiko sa Salesman: “Ano?”

Sa isip isip ni Kiko, hanep tong salesman na to. Siya lang ang walang balot sa mukha.

Di nagsalita ang Salesman, ngunit may inabot itong piraso ng papel bago bumaba sa Ortigas.

Akala ni Kiko, isang salesman si Eleandre na may side hustle sa networking.

Pagbuklat ni Kiko sa papel, nabasa niya ang nakasulat: “Ako ang kailangan mo, i-dial lang ang telepono 666–666–777.” Sa likod naman ng papel nakaimprenta ang larawan ng isang dikya.

Natawa ng malakas si Kiko sa loob ng tren, lahat ng tao sa bagon nakatingin sa kanya. Sabay sigaw ng train marshal: “Sir bawal hong tumawa!”

Dali daling bumaba si Kiko sa istasyon, tumatakbo, hinahanap ang pinakamalapit na sari sari store para makapagpaload.

Sa kanyang pagtakbo nalaglag ang tumbler at susi. Gumulong ang tumbler sa kalsada iniwasan ng rider, nabunggo ang rider ng isang elf, yung elf nabunggo ng truck, yung truck nabunggo ng ebike. Wala siyang pakialam.

Biro lang, walang ganon.

Get Elcano’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

Nakapagpaload si Kiko at dali daling tumawag sa numero. Sa kanang kamay niya ang phone, sa kaliwa naman ang softdrinks sa supot.

“Kukuha ho ng superproxy?” Sagot ng babae sa telepono.

“Opo, opo pakuha po ko.” Excited si Kiko.

“Okay po Sir, pahintay nalang po.” Sabi ng babae sa telepono.

“Magkano po? Pwede po bang COD?” Tanong ni Kiko.

“Libre po, kami na po bahala.” Sagot ng babae, sabay baba ng telepono.

Tuwang tuwa si Kiko. Ginala niya ang kanyang paningin. Nakita niya yung ale na napakaingay, nagtitinda ng chicharon. Nakita niya yung mga takatak boys. Nakita niya yung mga barker. Nakita niya yung pagkahaba habang pila sa tren. Nakita niya yung napakausok na kalsada. Nakita niya yung mga nagyoyosi nang patago. Nakita niya yung construction worker, call center agent, networker, masahista, ebike driver, biker, pulubi, mayaman.

Nangiti siya, sabay bulong sa sarili ng: “Babye sa inyo.”

Bang! Narestart lahat sa umaga. Nagising ulit si Kiko, alas kwatro ng umaga. Kinuha niya kagad ang phone, Lunes ulit. Aba gumana!

Bumaba siya sa kusina. Naririnig niyang naguusap ang ermats at utol niya. “Maagang umalis si Kiko, nagmamadali kanina, maganda ata ang gising.” Sabi ng ermat niya.

Kumbinsido na si Kiko pero gusto niyang malaman kung pumasok nga ba talaga yung Proxy niya. Habang hinihintay niya mag alas otso ng umaga, nagluto siya ng pancit canton, nagtimpla ng kape, at bumili pandesal sa tapat. Pagakyat sa kwarto, nagbinge-watch kagad.

Dakong alas otso ng umaga, nagchat siya sa katrabaho. “Pumasok ba ko?”

Sagot ng katrabaho niya: “Magtrabaho ka dyan! Chat ka ng chat, pagtayo nasita.”

Tuwang tuwa si Kiko. May superproxy nga talaga siya.

Di na siya mananawa sa pagbyahe araw araw at sa pagtra-trabaho, mayroon ng Superproxy na gagawa non para sa kanya.

Lalo pa siyang natuwa nang mabasa ang Owner’s Manual, nakalagay don na unli ang subscription, libre, at walang expiration.

“Ang buhay mo ay buhay ko.” Your Super Proxy

--

--

Elcano
Elcano

Written by Elcano

Ordinary man. Insane world.