OPINIYON | Balde-Baldeng Mema
Kung ang krisis ay patuloy na lumalalim, bakit nananatiling patak-patak lamang ang kalunasang inihahain sa mga hinaing?
Sa bansang nasasalat sa malinis na tubig ngunit sagana sa lansangang nalulubog sa baha, nakakasuya para sa mga mamamayang Filipino ang payo na maghanda ng timba habang nananatiling alanganin ang kahandaan ng pamahalaan sa paparating na hagupit ng tag-init. Sa gitna ng banta ng Super El Niño, iminungkahi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., “Bumili na kayo ng balde para ‘pag umulan, makolekta na ninyo lahat.” Ito ay sinundan ng demonstrasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng isang sistema ng pagsasala gamit ang water filtration kit na maaari raw mapagkunan ng inuming tubig sa panahon ng sakuna. Praktikal man sa unang tingin, subalit hindi kailanman naging patunay ang pagiging simple ng sapat na pamamahala.
Bagaman hindi maipagkakaila na may silbi ang pag-iimbak at pagsasala, hindi dapat pamukhaing ganap na kasagutan sa kakulangan ng ligtas na inumin ang isang alternatibong alanganin. Mahalaga ang wastong paggamit at pagpapanatili ng kagamitang pang-sala, gayundin ang pagtiyak sa malinaw na impormasyon tungkol sa mga limitasyon nito, lalo pa’t ang tubig na malinaw sa mata ay hindi awtomatikong ligtas sa kalusugan. Tandaan na maaaring manatili ang mga mikroorganismo o mapanganib na bakterya kung hindi naaangkop ang paraan ng pagsasagawa ng proseso ng piltrasyon. Kaya naman, hindi na lamang ito usaping teknikal, dahil saklaw na rin nito ang buhay at kamatayan.
Get The Vital Signs’s stories in your inbox
Join Medium for free to get updates from this writer.
Ang katawan ng tao ay hindi lugar para sa eksperimento ng kakulangan. Ang maruming tubig ay nagdudulot ng pagtatae, kolera, at iba pang sakit na nakukuha sa kontaminadong suplay. Sa matinding init naman, tumataas ang panganib ng panunuyo ng katawan at atake sa init, lalo na sa mga bata, matatanda, manggagawang nasa labas, at mga taong walang sapat na akses sa malinis na inumin. Kapag hindi rin maayos ang imbakan, maaaring pamugaran ng lamok at makipagsabayan ang patuloy na pagtaas na kaso ng dengue. Hindi dapat mga mamamayan ang magbayad kapag kapos ang mga hakbang na isinasakatuparan.
Sa kasagsagan ng kasalimuotan ng lahat, paano maghahanda ang isang bansa para sa pangangailangan ng tubig habang may mga pamayanang nalulubog ng baha? Magkaiba man ang tagtuyot at pagbaha, kapwa pa rin nitong inilalantad ang kahinaan sa pagpaplano, imprastraktura, at pamamahala sa likas na yaman. Ang mga baradong kanal, kulang na lagusan ng tubig, pagkasira ng tubig-kanlungan, at hindi maayos na paggamit ng lupa ay maaaring magpalala sa pinsalang dulot ng malalakas na pag-ulan. Sa kabilang banda naman, ang mahabang panahon ng tagtuyot ay nagbabanta sa suplay ng tubig, agrikultura, at kabuhayan. Sa pagitan ng dalawang pangkapaligirang suliranin, mga mamamayan ang madalas na naiipit, unang nasasaktan, at huling nakakabangon.
Hindi sapat na turuan ang bawat tahanan kung paano sumalo ng ulan kung bago pa ito dumaloy sa kanilang bubong hindi naman sapat ang mga sistemang namamahala. Hindi rin sapat ang isang pansala kung walang katugon na programa para sa malinis na suplay, pagsusuri sa kalidad, at agarang responde sa mga lugar na higit na nangangailangan. Ang paghahanda ay dapat makita sa maayos na sistema ng tubo, napapakinabangang mga pasilidad, ligtas na imabakan, maayos na daluyan, at mga serbisyong nakabatay sa konkretong ebidensya — hindi sa mga mungkahing walang patuloy ng bisa. Ang pamumuno ay hindi pagharap sa isang pagsubok kung kailan kumakatok na ito sa pinto. Ito ay pagbuo ng mga sistemang kayang sumalo sa bigat nito bago pa masupil ang komunidad.
Sa huli, hindi balde ang kalaban at hindi ang pansala ang dapat sisihin. Ang dapat suriin ay ang gobyernong nasa likod ng mga planong ito — isang gobyerno na dapat ay kumikilala na ang malinis na tubig ay pangunahing pangangailangan, ang kalusugan ay hindi dapat isugal, at ang kaligtasan sa baha ay hindi maaaring ipagpaliban. Kung ang krisis ay kasinglalim ng baha, hindi sapat ang tsamba-tsamba lang na solusyon; kailangan ang pamamahalang may lalim ng pag-unawa at bigat ng pananagutan.
Kapag ang gripo ay natuyo, ang lansangan ay lumubog, at ang katawan ay nagkasakit, hindi na mahalaga kung gaano kaganda ang demonstrasyon. Ang mahalaga ay kung may tubig na ligtas inumin, tahanang ligtas uwian, at pamahalaang hindi lamang marunong magpakita ng paraan, kundi kayang tiyaking angkop ito sa madla. Kung tutuusin, ang tunay na paghahanda ay nagsisimula sa mga botanteng marunong kumilatis — hindi sa apelyido o matatamis na pangako, kundi sa mga konkretong gawa at pananagutang naipakita.
— Baby Joy Bigueras, The Vital Signs







