Sitemap
The Vital Signs

The Vital Signs

The Official Student Publication of Bicol University College of Nursing. For the Student Body, By the Student Body. Veracity in a Heartbeat.

OPINYON | Silid-Pangamba

4 min readAug 29, 2026
Press enter or click to view image in full size
Illustration by Rhian Kaylie Emraca, 𝘛𝘩𝘦 𝘝𝘪𝘵𝘢𝘭 𝘚𝘪𝘨𝘯𝘴 𝘐𝘭𝘭𝘶𝘴𝘵𝘳𝘢𝘵𝘰𝘳

Ang isang paaralan ay dapat maging kanlungan ng kinabukasan. Ngunit paano kung ang batang pumapasok dito ay hindi na lamang takot bumagsak sa kanyang pagsusulit — kundi takot nang hindi siya makauwi ng ligtas?

May mga lugar na dapat hindi kailanman maging tanawin ng karahasan.

Ang tahanan.

Ang ospital.

At higit sa lahat, ang silid-aralan.

Sa isang silid-aralan, ang lapis ay tila maliit na bagay lamang, ngunit sa bawat guhit nito ay may pangarap na unti-unting nabubuo — isang pangarap na dapat lapis ang gumuguhit, hindi bala ang gumuguhit ng wakas. Ang mga kamay na dapat abala sa pagsusulat ay napipilitang manginig sa takot, habang ang paaralang dapat humuhubog sa kinabukasan ay nagiging lugar ng pangamba.

Isang trahedya noong Hunyo 22, 2026, ang muling naglantad sa ganitong panganib. Ang insidenteng naganap sa San Jose National High School sa Tacloban City, na iniulat bilang unang naitalang mass school shooting sa kasalukuyang taon. Dalawang menor de edad, 14 at 15 taong gulang, ang iniugnay sa pamamaril na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa. Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga armas ay pag-aari ng tiyahin ng 14 anyos na suspek, isang pulis, habang ang isa naman ay revolver. Lumitaw sa imbestigasyon na hindi maayos na na-secure ang service firearm. Dahil dito, naghain ang pulisya ng reklamo laban sa tiyahin dahil sa kapabayaan.

Makalipas lamang ang halos dalawang buwan, muling sumiklab ang karahasan sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School noong Agosto 18. Isang menor de edad ang nakapasok sa kampus na may dalang baril, na ikinasawi ng dalawang estudyante, isang kapwa mag-aaral at ang suspek mismo, habang dalawa pa ang nasugatan. Mas nakababahala, na-broadcast pa umano online ang insidente gamit ang body camera. Ayon sa paunang imbestigasyon ng Zamboanga City Police, ang mga baril ay pag-aari ng ama ng menor de edad at kinuha mula sa sasakyan bago naipasok sa paaralan. Hindi umano dumaan sa regular na pagsusuri ang bata at nakaiwas sa mga guwardiya.

Makalipas ang dalawang araw, nito lamang Agosto 20, 2026, isang 14 anyos na estudyante ang nakuhanan ng .357-caliber revolver nang magkaroon ng isang surprise inspection sa isang paaralan sa Pinamungajan, Cebu. Ang estudyante ay hindi naman aktwal na nakapagsagawa ng shooting, dahil nakita ang baril bago pa ito magamit. Pero ang mismong pagkakahuli ay nagpapakita na may posibilidad na may mga bagay na dinadala o kinikimkim ng mga estudyante na maaaring hindi kaagad napapansin.

Dito nagsisimula ang pananagutan ng isang magulang. Hindi natin inaasahan na mahulaan at mabantayan ng bawat magulang ang lahat ng maaaring gawin ng kanilang anak. Ngunit kung may baril sa tahanan, may malinaw na tungkuling tiyaking hindi ito maaabot ng isang menor de edad.

Get The Vital Signs’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

Kung ang gamot ay inilalagay sa lugar na hindi maaabot ng bata, kung ang kemikal ay nilalagyan ng babala, kung ang kutsilyo ay hindi basta ipinapahawak sa isang musmos, bakit magiging mas maluwag ang pag-iingat sa isang armas na kayang kumitil ng buhay sa isang iglap?

Ang lisensya sa pagmamay-ari ng baril ay hindi lisensya para maging pabaya.

Ngunit hindi rin dapat sa magulang lamang ibuhos ang lahat ng pananagutan.

Sa gitna ng mga insidenteng ito, nananatiling suliranin ang bullying at karahasan sa kabataan. Ayon sa PISA 2022, 43% ng mga batang babae at 53% ng mga batang lalaki sa Pilipinas ang nakaranas ng bullying nang ilang beses bawat buwan. Samantala, nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 50 insidenteng kinasangkutan ng mga batang nasa conflict with the law sa mga paaralan mula Hunyo 16 hanggang Agosto 19, 2026. Bagaman, hindi lahat ay school shooting, malinaw na patuloy ang banta ng karahasan sa mga paaralan.

Sa likod ng mga bilang na ito ay may batang hindi natin nakikita. Batang pumasok sa paaralan na may baong pangungutya. Batang nasanay na ang tawag sa kaniya ay hindi na pangalan kundi insulto. Batang ilang beses nang nagsumbong ngunit natutong tumahimik dahil walang nagbago.

Madaling sisihin ang video games. Madaling ituro ang mga magulang. Madaling sabihin na “masama ang impluwensiya ng internet” o “mapaghiganti ang bata.” Ang totoo, mas komplikado ang karahasan. Sapagkat may mga karahasang sumisiklab sa isang silid-aralan na hindi basta lumilitaw — madalas, matagal muna itong nabubuo sa mga sulok na pinili nating hindi tingnan.

May pananagutan ang paaralan na gawing tunay, hindi lamang simboliko, ang proteksyon ng bawat mag-aaral. Ang anti-bullying policy na nananatili lamang sa papel ay parang payong na nakasabit sa dingding habang umuulan: nariyan nga, ngunit walang napoprotektahan.

Sa ilalim ng mga bagong alituntunin ng DepEd, isinasagawa ang regular na pagsusuri gamit ang metal detectors, bag scanners at iba pang security measures, pati na ang buwanang random bag inspections. May ilang paaralan din na gumagamit ng transparent bags upang mas madaling makita ang mga dala ng estudyante. Ngunit sapat ba ang mga ito?

Makatutulong ang mahigpit na seguridad upang maiwasan ang pagpasok ng armas, ngunit malulutas ba nito ang ugat ng karahasan? Dahil kung may mga batang nakalulusot sa pagsusuri at may mga senyales ng panganib na hindi napapansin, mananatiling may puwang ang sistema para sa trahedya.

Kailangan natin ng tahanang marunong makinig at magbantay, paaralang marunong kumilala at tumugon sa mga banta ng panganib, at pamahalaang kumikilos bago pa muling may buhay na mawala.

Sapagkat kapag ang bala ng pangamba ay nakapasok sa lugar na dapat sana’y pinamumugaran ng pag-asa at pangarap, hindi lamang isang estudyante ang ating nabibigo — may isang kinabukasang napuputol bago pa man niya ito maisulat.

— Ken Juliana Fe M. Isaac, 𝘛𝘩𝘦 𝘝𝘪𝘵𝘢𝘭 𝘚𝘪𝘨𝘯𝘴 𝘞𝘳𝘪𝘵𝘦𝘳

--

--

The Vital Signs
The Vital Signs

Written by The Vital Signs

The Official Student Publication of Bicol University College of Nursing. For the Student Body, By the Student Body. Veracity in a Heartbeat.